SabayAppPatakaran sa PrivacyWeb app →ENTL

Patakaran sa Privacy

Ipinapaliwanag ng Patakaran sa Privacy na ito kung anong personal na impormasyon ang kinokolekta ng SabayApp ("kami") kapag ginamit mo ang SabayApp app, ang web app at ang sabay.binary.ph, bakit namin ito ginagamit, sino ang nakakakita nito, gaano katagal namin ito itinatago, at ang mga karapatan mo sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173). Saklaw nito ang mga customer, rider, merchant (tindahan) at ang mga nag-a-apply bilang rider o merchant.

1. Sino kami

Ang SabayApp ay platform para sa sakay (Sakay), delivery ng pagkain at paninda (Food & Mart), pabili (Pasabuy) at padala ng parcel (Padala) sa Marawi City, Lanao del Sur. Kami ang nagpapasya kung paano ginagamit ang personal na impormasyon mo, kaya kami ang personal information controller ayon sa batas.

2. Anong impormasyon ang kinokolekta namin

  • Account: buong pangalan, mobile number, e-mail (optional), password at wika. Hindi namin itinatago ang mismong password mo, isang naka-scramble na bersyon lang (bcrypt hash) na hindi na maibabalik sa orihinal.
  • Kung nag-sign in ka gamit ang Google o Facebook: ang pangalan, e-mail address at account ID na ibinibigay ng Google o Facebook, para mabuksan namin ang account mo sa susunod. Hindi namin nakukuha ang password mo sa Google o Facebook, at hindi kami magpo-post para sa iyo. Maidadagdag o matatanggal mo ang mga ito sa Account → Mga paraan ng pag-sign in.
  • Mga order: pickup at drop-off (address at pin sa mapa), mga item at note, ang listahan at tindahan ng Pasabuy, at sa Padala ang pangalan at mobile number ng nagpapadala o tatanggap. Kung magbibigay ka ng detalye ng ibang tao, siguraduhing pumayag sila.
  • Mga naka-save na address: ang label, address at pin sa mapa na sine-save mo.
  • Mga rider: uri ng sasakyan, plate at body number, numero at expiry ng driver's license, lungsod o bayan at barangay, at mga larawan ng license, sasakyan at ng sarili mo (selfie), pati permit at OR/CR kung idinagdag mo.
  • Mga merchant: pangalan ng tindahan, kategorya, business phone, address at pin sa mapa, oras ng bukas, paglalarawan, logo, cover at larawan ng menu, at business permit kung idinagdag mo.
  • Detalye ng payout (rider at merchant): pangalan at numero ng GCash, Maya o bank account mo.
  • Lokasyon: tingnan ang Lokasyon sa ibaba.
  • Mga larawan: larawan sa pickup at delivery, resibo ng Pasabuy, screenshot ng remittance ng cash at mga larawang ipinadala sa chat. Tinatanggal namin ang nakatagong lokasyon (EXIF) sa mga larawang ina-upload mo.
  • Mga mensahe: ang chat mo sa support, sa rider at sa tindahan.
  • Ratings: ang stars at komentong ibinibigay ng customer sa rider at tindahan.
  • Mga bayad: halaga, paraan at status ng bawat bayad, mga refund, wallet credits, at para sa rider at merchant ang kita, cash na ire-remit at mga payout. Sa page ng aming payment provider tina-type ang detalye ng card at e-wallet, hindi sa amin, kaya hindi namin nakikita ang buong numero ng card mo. Maaaring ipadala sa amin ng provider ang brand ng card at ang huling 4 na numero nito.
  • Device at seguridad: push notification token at app version ng phone mo, maikling paglalarawan ng device (halimbawa "Android 14"), ang IP address kapag nag-sign in ka, at ang mga sign-in session mo. Nagpapadala rin ang app ng id ng phone o browser mo, na itinatago namin nang naka-scramble (hashed) kasama ang mga account na ginamit dito; puwedeng i-block ng staff ang mismong phone o browser na iyon matapos ang prank o mapang-abusong booking. May log din kami ng mga ginagawa ng staff para sa seguridad.

Hindi kami gumagamit ng advertising tracker o analytics tool. Hindi namin hinihingi ang birthday mo o ibang government ID number maliban sa driver's license ng rider.

3. Lokasyon

  • Customer: kapag pinayagan mo, ginagamit ng app ang lokasyon mo para itakda ang pickup, maghanap ng malapit na tindahan at magmungkahi ng lugar. Sa checkout, tinitingnan din nito kung malapit ka sa pin: kapag malayo, online ang bayad (hindi cash). Ang pickup at drop-off lang ng mga order mo ang sine-save namin.
  • Rider: habang online ka, ipinapadala ng app ang lokasyon mo bawat ilang segundo, kahit nasa background ang app (may notification habang naka-on ito). Ginagamit namin ito para mag-alok ng malapit na trabaho at ipakita ang biyahe sa customer at tindahan. Habang may trabaho, itinatago namin ang ruta mo nang 7 araw. Ang pinakahuling posisyon mo lang ang itinatago namin; pinapalitan ito ng bawat update.

Puwede mong patayin ang location sa settings ng phone mo anumang oras, pero kailangan ito sa pag-book at pagbiyahe.

4. Bakit namin ginagamit ang impormasyon mo

  • Para gawin at patakbuhin ang account mo at ma-sign in ka.
  • Para tumanggap ng booking at order, maghanap ng rider, at ipakita ang biyahe sa mga kasali sa order.
  • Para tumanggap ng bayad, magbigay ng refund, ingatan ang wallet balance at magpadala ng payout.
  • Para suriin ang mga rider at merchant bago namin sila aprubahan, at bantayan ang expiry ng license.
  • Para magpadala ng notification tungkol sa order, mensahe at account mo.
  • Para sagutin ang mga tanong at reklamo at ayusin ang mga di-pagkakasundo.
  • Para pigilan ang panloloko at pang-aabuso, protektahan ang mga account at panatilihing gumagana ang serbisyo.
  • Para sumunod sa batas at sa mga legal na utos ng awtoridad.

Ginagamit namin ang impormasyon mo dahil kailangan ito para sa serbisyong hiniling mo (ang kasunduan natin), dahil hinihingi ng batas, o para sa lehitimong interes namin gaya ng kaligtasan at pag-iwas sa panloloko. Sensitibong personal na impormasyon ayon sa batas ang driver's license ng rider; ginagamit namin ito nang may pahintulot na ibinibigay ng rider sa pag-apply, para matiyak na puwede siyang magmaneho.

5. Sino ang nakakakita ng impormasyon mo

  • Mga rider na malapit, bago may tumanggap ng booking mo: ang first name mo, ang pickup at drop-off, at ang presyo.
  • Ang rider at tindahan ng order mo: pangalan mo, mobile number, pickup at drop-off, mga note mo at ang contact sa Padala. Nabubuksan pa rin nila ang mga dating order na hinawakan nila.
  • Mga customer: nakikita ang pangalan, mobile number, plate o body number, rating at lokasyon ng rider nila habang nasa biyahe, at ang pangalan, address at phone ng tindahan.
  • Lahat: pampubliko ang pangalan, menu, larawan at ratings ng mga tindahan. First name lang ng customer ang lumalabas sa review.
  • Ang staff namin, kung kailangan lang sa trabaho nila: halimbawa sa pag-apruba ng rider at merchant (nakikita nila ang mga dokumento), pagtulong sa order at pagsagot sa chat. Nababasa ng staff ang chat ng order at ng support.
  • Mga service provider na tumutulong sa amin: PayMongo para sa bayad, refund at payout (pangalan, mobile number at e-mail mo para sa bayad; ang payout account para sa payout); Google para sa mapa, paghahanap ng address at ruta (ang hinahanap mo at mga punto sa mapa), ang mapang ipinapakita sa app, Firebase Cloud Messaging para sa push notification (ang push token mo at ang text ng notification), at Google sign-in kung ginagamit mo ito; Meta (Facebook) para sa Facebook sign-in kung ginagamit mo ito (nalalaman ng Google at Meta na nag-sign in ka sa SabayApp — tingnan ang sarili nilang privacy policy); OpenStreetMap bilang backup sa paghahanap ng address at ruta (ang hinahanap mo at mga punto sa mapa); Hostinger para sa server at e-mail na nagpapatakbo ng SabayApp (ang alert e-mail sa staff ay maaaring may pangalan at mobile number ng rider o aplikante).
  • Mga awtoridad, kapag hinihingi ng batas o ng legal na utos.

Hindi namin ibinebenta ang personal na impormasyon mo. May mga provider na nagtatago ng datos sa labas ng Pilipinas; ang kailangan lang nila ang ibinibigay namin.

6. Gaano katagal namin ito itinatago

  • Ruta ng rider habang may trabaho: 7 araw.
  • Mga notification sa app: 30 araw.
  • Larawan sa pickup at delivery at resibo ng Pasabuy: 90 araw.
  • Mga sign-in session: natatapos 90 araw matapos mong huling gamitin ang app, o kapag nag-log out ka.
  • Push notification token: binubura kapag nag-log out ka o matapos ang 60 araw na hindi ginamit.
  • Nagsasara ang chat ng order 24 oras matapos ang order.
  • Lahat ng iba pa (account, order, bayad, wallet at payout, chat, ratings, dokumento at log): habang bukas ang account mo, at pagkatapos ay hangga't kailangan lang para sa mga dahilan sa itaas, kasama ang tungkulin sa batas, buwis at accounting at mga di-pagkakasundo. Pagkatapos ay binubura namin ito o ginagawang anonymous.

7. Paano namin ito pinoprotektahan

Gumagamit kami ng HTTPS, naka-scramble na password at sign-in key, pribadong storage para sa mga dokumento at larawan ng delivery na mabubuksan lang ng may karapatan, mga role at permiso ng staff, at signed ledger para sa pera sa wallet. Bahagi lang ng numero ng payout account ang ipinapakita ng app.

Walang sistemang 100% ligtas. Kapag may breach na naglalagay sa iyo sa tunay na panganib, sasabihan ka namin at ang National Privacy Commission ayon sa batas.

8. Ang mga karapatan mo

Ayon sa Data Privacy Act, may karapatan kang:

  • Malaman kung paano ginagamit ang impormasyon mo (ang patakarang ito).
  • Makita (access) ang impormasyon mo at makakuha ng kopya.
  • Tumutol (object) sa paggamit nito, kasama kung saan nagbigay ka ng pahintulot.
  • Ipabura o ipa-block ang impormasyong kulang, luma, mali, nakuha nang labag sa batas, o hindi na kailangan.
  • Ipaayos (rectification) ang maling impormasyon. Mapapalitan mo ang pangalan at e-mail mo sa app; para sa ibang detalye, kontakin kami.
  • Data portability: makuha ang impormasyon mo sa karaniwang electronic format.
  • Danyos kung napinsala ka dahil sa mali o labag sa batas na paggamit ng impormasyon mo.
  • Magreklamo sa National Privacy Commission (privacy.gov.ph).

Para gamitin ang isang karapatan, kontakin kami. Maaari naming hingin na patunayan mo kung sino ka.

9. Pag-delete ng account

Wala pang delete button sa app. Para i-delete ang account mo, sabihan kami sa Makipag-ugnayan sa amin o Mensahe sa app, o sa mga contact sa ibaba. Titiyakin naming ikaw talaga iyon, isasara ang account, at buburahin o gagawing anonymous ang impormasyon mo, maliban sa kailangan naming itago para sa batas, buwis, accounting, bukas na order, hindi pa bayad na balanse o di-pagkakasundo. Dapat munang i-withdraw ng mga rider at merchant ang balanse nila.

Kung nag-sign in ka gamit ang Google o Facebook, puwede mo ring alisin ang SabayApp sa Google account mo (Security → Third-party connections) o sa Facebook (Settings → Apps and websites). Hihinto ang pag-sign in, pero hindi nito buburahin ang SabayApp account mo o ang mga record nito; sabihan kami gaya ng nasa itaas para roon.

10. Mga permiso ng app, cookies at storage

  • Hinihingi ng Android app ang: lokasyon (booking at biyahe), camera at mga larawan (dokumento, larawan ng delivery at resibo, larawan sa chat), notification, pagtakbo sa background para sa rider at tindahan (para dumating ang alert), at pag-install ng update (ang in-app updater). Puwede mo itong patayin sa settings ng phone; may ilang feature na hindi na gagana.
  • Sa storage ng browser mo itinatago ng web app at ng mga page na ito ang sign-in, cart, wika, tema at sound settings, pati isang cookie para sa wika. Wala kaming advertising cookie.

11. Mga bata

Hindi para sa mga bata ang SabayApp. Kung wala ka pang 18, gamitin lang ito nang may pahintulot ng magulang o guardian. Dapat 18 taong gulang pataas ang mga rider at merchant.

12. Mga pagbabago sa patakarang ito

Maaari naming baguhin ang patakarang ito. Ilalagay namin dito ang bagong bersyon na may bagong petsa, at sasabihan ka namin sa app kapag mahalaga ang pagbabago.

13. Kontakin kami at ang aming Data Protection Officer

Para sa tanong, reklamo, o paggamit ng mga karapatan mo sa privacy: